Kung paano tayo manalangin, ganoon ang ating espirituwalidad at ugnayan sa Diyos.
Maraming panalangin na pansarili lamang. Maraming panalangin na pampalubag lamang ng sariling konsensya. Maraming panalanangin na nagdudulot ng pagiging pasibo, ng kawalan ng pagkilos at pagsisikap. Maraming panalangin na nagtuturo ng hindi pagtutol sa kamalian. Maraming panalangin na sentimental at debosyonal, hindi nag-uudyok para sa mas aktibong pagmamahal at pagmamalasakit sa kapwa. Ganito ba ang ating panalangin? Kung oo, bakit ganito?
Sinisikap kong pagyamanin ang aking buhay panalangin. Naniniwala ako na malaking tulong ito sa aking pagsisikap na paglingkuran ang Diyos at ang bayan. Ngunit ang nais ko ay panalanging nag-uudyok para sa mas aktibong pagmamahal at pagmamalasakit sa kapwa.
Sinisikap kong pagyamanin ang aking panalangin sa pamamagitan ng pagninilay sa Salita ng Diyos sa perspektibong makabayan at maka-maralita. Ang Salita ng Diyos sa perspektibong ito ay tunay na doktrinang maka-Diyos at makabayan. Nagdudulot ito ng buhay at kalayaan. Nag-uudyok ito sa akin na maglingkod sa kapwa. Kaakibat ng pagninilay sa Salita ng Diyos ay ang pagninilay sa kalagayan ng aking kapwa. Paghihirap at pagdurusa ang aking nasasaksihan. Mayroon ding tiyaga at pag-asa sa kabila ng lahat. Lahat ito ay nagsisilbing pang-siga sa aking buhay panalangin.
Hesus ko, mahal Kita at mahal ko ang Iyong bayan.
Tulungan Mo po akong maging lingkod Mo at ng Iyong bayan.
Tulungan Mo po ako maging daan ng iyong pagmamalasakit sa aking kapwa, lalo na sa mga pinaka-nangangailangan.